[1] Pagkatapos tumigil ang kaguluhan, tinawag ni Pablo ang mga alagad, at nang siya ay nakapagpaalam, siya ay umalis papunta sa Macedonia.
[2] Nang siya ay nakarating sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng maraming salita at siya ay pumunta sa Grecia
[3] at nanatili roon ng tatlong buwan. At nang nagkaroon ng sabwatan ang mga Judio laban sa kaniya nang malapit na ang kaniyang paglalayag patungong Siria, siya ay nagpasyang bumalik upang dumaan sa Macedonia.
[4] At sinamahan siya hanggang sa Asya ni Sopatro na taga-Berea, nina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at nina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya.
[5] Sila ay nauna at naghintay sa amin sa Troas.
[6] At pagkatapos ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, kami ay naglayag mula sa Filipos at nakarating sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw kung saan kami ay nanatili ng pitong araw.
[7] At sa unang araw ng sanlinggo, nang nagkatipon ang mga alagad upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nakipagpaliwanagan sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi.
[8] At mayroong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan nila.
[9] At may isang binata na ang pangalan ay Eutico ang nakaupo sa bintana na nakatulog ng mahimbing. Sa haba ng pakikipagpaliwanagan ni Pablo, lalong napahimbing ang kaniyang tulog at siya ay nahulog pababa mula sa ikatlong palapag at patay na siya nang mabuhat.
[10] Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, kaniyang niyakap at sinabi, “Huwag kayong magkagulo sapagkat nasa kaniya pa ang kaniyang buhay.”
[11] Pagkatapos niyang pumanhik, siya ay nakipagputul-putol ng tinapay at kumain. Siya ay nakipag-usap pa ng matagal hanggang sa pagsikat ng araw at pagkatapos siya ay umalis.
[12] At iniuwi nilang buhay ang binata at sila ay naaliw ng lubos.
[13] Ngunit kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos at doon namin binabalak na pasakayin si Pablo sapagkat gayon ang kaniyang iniutos dahil binabalak niyang maglakad.
[14] At nang siya ay sumalubong sa amin sa Asos, siya ay isinakay namin at kami ay pumunta sa Mitilene.
[15] At nang kami ay nakapaglayag mula roon, kinabukasan ay dumating kami sa tapat ng Chios. At sa sumunod na araw, kami ay dumaong sa Samos at nanatili kami sa Trogilium. Kinabukasan, kami ay dumating sa Mileto
[16] sapagkat si Pablo ay nagpasya na maglayag malapit sa Efeso upang huwag na siyang makagugol ng panahon sa Asya dahil siya ay nagmamadali, na kung maaari siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.
[17] At mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda sa iglesiya.
[18] At pagkarating nila sa kaniya ay kaniyang sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya, kung papaano akong namuhay kasama ninyo sa lahat ng panahon.
[19] Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba at ng maraming luha at ng mga pagsubok na nangyari sa akin sa pamamagitan ng mga pagsasabwatan ng mga Judio,
[20] kung paanong wala akong ipinagkait na anumang bagay na kapaki-pakinabang sa inyo, kundi upang ipahayag sa inyo at turuan kayo ng hayagan at sa mga bahay-bahay,
[21] na masikap kong pinatototohanan ang pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo, kapwa sa mga Judio at mga Griyego.
[22] Ngayon, narito, dahil ako ay bihag na sa espiritu, ako ay patutungo sa Jerusalem na hindi alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon,
[23] maliban na ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo sa bawat lungsod, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin.
[24] Subalit wala akong ipinag-aalala sa salitang ito, ni itinuturing ko ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap kong may kagalakan ang aking takbuhin at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus, ang patotohanan ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.
[25] “Ngayon, narito, alam ko na kayong lahat na pinuntahan ko at pinangaralan ng paghahari ng Diyos ay hindi na makikita pa ang aking mukha.
[26] Dahil dito, pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng mga tao
[27] sapagkat hindi ako nagkulang na ipahayag sa inyo ang buong kalooban ng Diyos.
[28] Kaya ingatan ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, kung saan ang Banal na Espiritu ang nagtalaga sa inyo bilang tagapangasiwa upang pangalagaan ang iglesiya ng Diyos na kaniyang binili sa pamamagitan ng sarili niyang dugo
[29] sapagkat alam ko ito, na sa aking pag-alis, kayo ay papasukin ng mababangis na mga lobo na hindi kinakaawaan ang kawan.
[30] Mula rin sa inyong mga kasamahan ay titindig ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila.
[31] Dahil dito, magbantay kayo at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, sa gabi at araw, ay hindi ako tumigil sa pagbibigay babala sa bawat isa nang may mga luha.
[32] “Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya na siyang may kakayanang magpatibay sa inyo at magbigay sa inyo ng pamana, kasama ang lahat ng mga pinaging-banal na.
[33] Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman.
[34] At kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ang gumawa para sa aking mga pangangailangan at para sa aking mga kasamahan.
[35] Ipinakita ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na sa ganitong pagpapagal ay dapat na tulungan ang mga mahihina at alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus, na kaniyang sinabi, ‘Higit na pinagpala ang magbigay kaysa sa tumanggap.’ ”
[36] Pagkasabi niya ng mga bagay ito, siya ay lumuhod at nanalangin kasama silang lahat.
[37] At nagkaroon ng labis na pagdalamhati ang lahat, at sa pagyakap nila kay Pablo, siya ay magiliw nilang hinalikan,
[38] at ang higit nilang ikinalungkot ay ang salita na kaniyang sinabi, na nalalapit nang hindi na nila makita ang kaniyang mukha. At siya ay inihatid nila sa barko.