[1] Kaya mataimtim kitang pinagtatagubilinan sa harapan ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian.
[2] Ipangaral mo ang salita, maging handa ka, napapanahon man o hindi napapanahon, ipaunawa mo ang kasalanan, magsaway ka, magsumamo ka ng may pagtitiyaga at pagtuturo
[3] sapagkat ang panahon ay darating na hindi nila matitiis ang mabuting katuruan, ngunit ayon sa kanilang sariling pagnanasa ay mag-iipon sila ng mga guro para sa kanilang sarili dahil sa kanilang nangangating tainga,
[4] at itatalikod nga nila ang kanilang pandinig mula sa katotohanan at sila ay babaling sa mga alamat.
[5] Ngunit ikaw, magbantay ka sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kahirapan, gawin mo ang gawain ng isang mangangaral ng ebanghelyo, gampanan mong lubos ang iyong paglilingkod.
[6] Sapagkat ako ngayon ay ibinubuhos katulad sa inuming handog at ang panahon ng aking pagpanaw ay malapit na.
[7] Ako ay nakipagbaka ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang takbuhin, iningatan kong lubos ang pananampalataya.
[8] Sa katapus-tapusan ay may inilalaan para sa akin na isang putong ng katuwiran, na sa Araw na iyon ay ibibigay sa akin ng Panginoon na siyang matuwid na hukom, ngunit hindi lamang sa akin kundi sa kanilang lahat na nagmamahal sa kaniyang pagpapakita.
[9] Sikapin mong makaparito sa akin sa lalong madaling panahon
[10] sapagkat ako ay iniwan ni Demas at siya ay umalis patungo sa Tesalonica dahil minahal niya ang kasalukuyang kapanahunan. Si Cresente ay nagtungo sa Galacia at si Tito ay sa Dalmacia.
[11] Si Lucas lamang ang kasama ko. Pagkatapos mong sunduin si Marcos, isama mo siya sapagkat siya ay kapaki-pakinabang sa akin sa paglilingkod,
[12] ngunit si Tiquico ay isinugo ko sa Efeso.
[13] Sa iyong pagparito ay dalhin mo ang balabal na aking iniwan kay Carpo sa Troas at ang mga aklat lalung-lalo na ang sinusulatang mga balat ng hayop.
[14] Si Alejandro na panday ng tanso ay napakaraming ginawang kasamaan sa akin. Ang Panginoon nawa ang gumanti sa kaniya ayon sa kaniyang mga gawa.
[15] Mag-ingat ka rin sa kaniya sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang aming mga salita.
[16] Sa aking unang pagtatanggol ay walang sinumang sumama sa akin, sa halip ay pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang laban sa kanila.
[17] Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako ay pinalakas niya upang ang pangangaral ay lubos na mapaniwalaan sa pamamagitan ko at mapakinggan ng lahat ng mga Gentil. Kaya ako ay nailigtas mula sa bibig ng leon.
[18] At ang Panginoon ang sasagip sa akin mula sa lahat ng masamang gawa at ililigtas niya ako patungo sa kaniyang makalangit na kaharian. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
[19] Batiin mo sina Priscila at Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo.
[20] Si Erasto ay nanatili sa Corinto ngunit si Trofimo ay iniwan ko sa Mileto dahil siya ay may sakit.
[21] Sikapin mong pumarito bago magtaglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at ng lahat ng mga kapatid.
[22] Sumaiyong espiritu nawa ang Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang biyaya. Siya nawa.