Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo, na apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus,

[2] kay Timoteo, na aking minamahal na anak, sumaiyo ang biyaya, ang kahabagan at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at ating Panginoong Jesu-Cristo.

[3] Ako ay nagpapasalamat sa Diyos, na aking pinaglilingkuran mula sa aking mga ninuno na may malinis na budhi, habang ako ay nagpapatuloy sa pag-alaala sa iyo sa aking mga pananalanging may paghiling sa gabi at araw.

[4] Dahil sa pag-aalala ko ng iyong mga luha, ako ay labis na nananabik na ikaw ay makita upang malubos ang aking kagalakan.

[5] Naaalala ko ang matapat mong pananampalataya na unang nanahan sa iyong lola na si Loida at sa iyong ina na si Eunice at ako ay nakatitiyak na ito naman ay na sa iyo.

[6] Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na pagningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ng aking mga kamay,

[7] sapagkat ang Diyos ay hindi nagbigay sa atin ng espiritu ng pagkatakot kundi ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng maayos na pag-iisip.

[8] Kaya huwag mong ikahiya ang patotoo ng ating Panginoon, ni ang aking patotoo na kaniyang bilanggo kundi makibahagi ka sa paghihirap dahil sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos

[9] na siyang nagligtas at tumawag sa atin sa banal na pagkatawag, hindi ayon sa ating mga gawa kundi ayon sa kaniyang sariling layunin at biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus bago ang mga kapanahunan ng walang hanggan

[10] ngunit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, na siyang totoong nagpawalang-bisa sa kamatayan at nagbigay ng liwanag sa buhay at ng kawalan ng kabulukan sa pamamagitan ng ebanghelyo,

[11] kung saan ako ay itinalaga na tagapangaral at apostol at guro ng mga Gentil.

[12] Dahil din dito, ako ay dumaranas ng hirap sa mga bagay na ito, ngunit hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko na yaong aking sinasampalatayanan at ako ay nakatiyak na na kaya niyang ingatan ang inilagak ko sa kaniya hanggang sa Araw na iyon.

[13] Gawin mong huwaran ang wastong mga salita na iyong narinig mula sa akin, sa pananampalataya at sa pag-ibig na na kay Cristo Jesus.

[14] Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.

[15] Ito ay alam mo na silang lahat na taga-Asya, kabilang sina Figello at Hermogenes, ay tumalikod sa akin.

[16] Ang Panginoon nawa ay mahabag sa sambahayan ni Onesiforo sapagkat maraming ulit niya akong pinasigla at hindi niya ikinahiya ang aking pagkatanikala.

[17] At nang siya ay nasa Roma, pinagsikapan niya akong hanapin at ako ay natagpuan niya.

[18] Ang Panginoon nawa ang magkaloob sa kaniya upang masumpungan niya ang kahabagang mula sa Panginoon sa Araw na iyon. At kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa akin sa Efeso, ikaw ang higit na nakakaalam.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Kay Timoteo — Chapters