[1] Kaya ikaw, anak ko, magpakatibay ka sa biyaya na na kay Cristo Jesus.
[2] At ang mga bagay na iyong narinig mula sa akin sa harapan ng maraming saksi, ang mga ito ay ipagkatiwala mo sa mga matapat na lalaki na makakapagturo naman sa iba.
[3] Kaya danasin mo ang hirap katulad ng isang mabuting kawal ni Jesu-Cristo.
[4] Wala ni isang nakikipagdigma na ginagawa niyang abala ang kaniyang sarili para sa kabuhayan sa buhay na ito nang sa gayon ay makapagbigay-lugod siya sa nagtala sa kaniya na maging kawal.
[5] Gayundin naman, kapag ang sinuman ay makikipagpaligsahan sa palaro, siya ay hindi pinuputungan maliban na siya ay makikipagpaligsahan ayon sa alituntunin.
[6] Ang magsasakang nagpapagal ay dapat maunang makinabang sa kaniyang mga ani.
[7] Unawain mo ang aking sinasabi at bigyan ka nawa ng Panginoon ng pang-unawa sa lahat ng mga bagay.
[8] Alalahanin mo si Jesu-Cristo na siyang ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo, na nagmula sa binhi ni David.
[9] Dahil dito, ako ay dumaranas ng hirap hanggang sa pagkabilanggo katulad sa isang salarin ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nakagapos.
[10] Kaya tinitiis ko ang lahat ng mga bagay alang-alang sa kanila na pinili upang sila rin ay magtamo ng kaligtasan na na kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
[11] Ito ang mapagkakatiwalaang pananalita, sapagkat kung tayo ay namatay na kasama niya, tayo naman ay mabubuhay na kasama niya.
[12] Kung tayo ay nagtitiis, tayo naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, siya naman ang magkakaila sa atin.
[13] Kung tayo ay hindi nagtatapat, siya ay nananatiling matapat. Hindi niya maipagkakaila ang kaniyang sarili.
[14] Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, pagbilinan mo sila sa harapan ng Panginoon na huwag makipagtalo patungkol sa mga salita na walang kabuluhan na ikakapahamak ng mga nakikinig.
[15] Pagsikapan mong iharap na katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong sarili, isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na hinihimay nang wasto ang salita ng katotohanan.
[16] Ngunit layuan mo ang mga mapaglapastangan at walang kabuluhang usapan sapagkat ang mga ito ay lalong magdudulot ng hindi pagiging makadiyos,
[17] at ang kanilang salita ay kakalat na parang kanggrena. Ang kasama nila ay sina Himeneo at Fileto
[18] na patungkol sa katotohanan ay lumihis sa pagsasabi na ang muling pagkabuhay ay naganap na at ibinabagsak ang pananampalataya ng ilan.
[19] Gayunpaman, ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na ang tinataglay na tatak ay ito, “Kilala ng Panginoon yaong mga sa kaniya” Bil 16:5 at “Lumayo sa kalikuan ang bawat isang tumatawag sa pangalan ni Cristo.”
[20] Ngunit sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang gawa sa ginto at pilak kundi may mga gawa naman sa kahoy at sa putik, at ang ilan nga ay para sa karangalan ngunit ang ilan ay hindi para sa karangalan.
[21] Kaya kapag ang sinuman ay lubos na maglinis ng kaniyang sarili mula sa mga ito, siya ay magiging kasangkapan para sa karangalan, pinaging-banal at kagamit-gamit para sa Panginoon at nakahanda para sa bawat mabuting gawa.
[22] Ngunit takasan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan subalit sikapin mong sundin ang katuwiran, ang pananampalataya, ang pag-ibig at ang kapayapaan kasama yaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.
[23] At tanggihan mo ang mga walang kabuluhan at mga hangal na mga pagtatalo dahil nalaman mo na ang mga ito ay nagdudulot ng mga pag-aaway-away.
[24] At ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat na nakikipag-away, sa halip ay maging mahinahon sa lahat ng mga tao, handang magturo at mapagbata sa masama,
[25] tinuturuan niya sa pamamagitan ng kaamuan yaong mga sumasalungat sa kaniya baka ang Diyos ay maaaring magkaloob sa kanila ng pagsisisi patungo sa pagkakilala sa katotohanan,
[26] at upang sila ay matauhan at makalabas mula sa bitag ng diyablo na siyang bumihag sa kanila upang sundin ang kaniyang kalooban.