Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.

[2] Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.

[3] Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.

[4] Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,

[5] Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid. At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.

[6] Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit, at ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon: at walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.

[7] Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.

[8] Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.

[9] Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.

[10] Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.

[11] Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.

[12] Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian.

[13] Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.

[14] Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos.

Mga Awit — Chapters