Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto.

[2] Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapuwa: ang Panginoon ang May-lalang sa kanilang lahat.

[3] Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos at nagtitiis.

[4] Ang kagantihan sa kapakumbabaan at ang pagkatakot sa Panginoon ay kayamanan, at karangalan, at buhay.

[5] Mga tinik at mga silo ay nangasa daan ng magdaraya: ang nagiingat ng kaniyang kaluluwa ay lalayo sa mga yaon.

[6] Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.

[7] Ang mayaman ay magpupuno sa dukha, at ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.

[8] Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kaniyang poot ay maglilikat.

[9] Ang may magandang-loob na mata ay pagpapalain: sapagka't nagbibigay ng kaniyang tinapay sa dukha.

[10] Itaboy mo ang manglilibak, at ang pagtatalo ay maalis; Oo, ang pagkakaalit at pagduwahagi ay matitigil.

[11] Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, dahil sa biyaya ng kaniyang mga labi ay magiging kaniyang kaibigan ang hari.

[12] Ang mga mata ng Panginoon ay nagiingat sa maalam: nguni't kaniyang ibinabagsak ang mga salita ng taksil.

[13] Sinasabi ng tamad, may leon sa labas: mapapatay ako sa mga lansangan.

[14] Ang bibig ng masasamang babae ay isang malalim na lungaw: siyang nayayamot sa Panginoon ay mabubuwal doon.

[15] Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; nguni't ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway.

[16] Ang pumipighati sa dukha upang magpalago ng kaniyang pakinabang, at ang nagbibigay sa mayaman, ay humahangga sa pangangailangan lamang.

[17] Ikiling mo ang iyong pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng pantas, at ihilig mo ang iyong puso sa aking kaalaman.

[18] Sapagka't maligayang bagay kung iyong ingatan sa loob mo, kung mangatatatag na magkakasama sa iyong mga labi.

[19] Upang ang iyong tiwala ay malagak sa Panginoon, aking ipinakilala sa iyo sa kaarawang ito, oo, sa iyo.

[20] Hindi ba ako sumulat sa iyo ng mga marilag na bagay na mga payo at kaalaman;

[21] Upang ipakilala sa iyo ang katunayan ng mga salitang katotohanan, upang iyong maibalik ang mga salita ng katotohanan sa kanila na nagsusugo sa iyo?

[22] Huwag kang magnakaw sa dukha, sapagka't siya'y dukha, ni pumighati man sa nagdadalamhati sa pintuang-bayan:

[23] Sapagka't ipakikipaglaban ng Panginoon ang kanilang usap, at sasamsaman ng buhay yaong nagsisisamsam sa kanila.

[24] Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin; at sa mainiting tao ay huwag kang sasama:

[25] Baka ka matuto ng kaniyang mga lakad, at magtamo ng silo sa iyong kaluluwa.

[26] Huwag kang maging isa sa kanila na nakikikamay, o sa kanila na mangananagot sa mga utang:

[27] Kung wala kang ikabayad, bakit kaniyang kukunin sa iyo ang iyong higaan?

[28] Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa, na inilagay ng iyong mga magulang.

[29] Nakikita mo ba ang taong masipag sa kaniyang gawain? siya'y tatayo sa harap ng mga hari: hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.

Mga Kawikaan — Chapters