Skip to content
Opens in a new window

[1] Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;

[2] Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;

[3] Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;

[4] Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.

[5] Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.

[6] Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:

[7] Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;

[8] Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.

[9] Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas.

[10] Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;

[11] Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:

[12] Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;

[13] Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;

[14] Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,

[15] Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:

[16] Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;

[17] Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:

[18] Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:

[19] Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:

[20] Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.

[21] Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.

[22] Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.

Mga Kawikaan — Chapters