[1] Ipaalala mo sa kanila na magpasakop sa mga pamunuan at maging masunurin sa mga may kapamahalaan, na maging handa sa bawat gawang mabuti,
[2] na huwag laitin ang sinuman, sa halip ay maging mahinahon na ipinapakita ang lahat ng kababaang-loob sa lahat ng mga tao
[3] sapagkat tayo rin mismo ay dating mga mangmang, mga masuwayin, mga iniligaw, mga alipin ng iba't ibang pagnanasa at kalayawan, mga namumuhay sa kasamaan at inggit, mga puno ng galit at namumuhi sa isa't isa.
[4] Ngunit nang ang kabutihan at pagmamahal sa mga tao ay naihayag ng Diyos na ating Tagapagligtas,
[5] tayo ay kaniyang iniligtas, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran na ating ginawa kundi ayon sa kaniyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa atin ng Banal na Espiritu,
[6] na ibinuhos niyang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas,
[7] upang pagkatapos tayong napawalang-sala sa pamamagitan ng kaniyang biyaya ay magiging tagapagmana tayo ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
[8] Ito ang mapagkakatiwalaang pananalita at ninanais ko na lubos mong pagtibayin ang mga bagay na ito upang sila na mga sumampalataya sa Diyos ay maging maingat na pangibabawin ang mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
[9] Ngunit layuan mo ang mga tanong na walang kabuluhan, ang mga walang katapusang pagsasalaysay ng mga angkan, mga paglalaban-laban at mga pag-aaway-away patungkol sa kautusan sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang kabuluhan.
[10] Tanggihan mo ang taong heretiko pagkatapos ng una at ikalawang babala,
[11] yamang alam mo na ang ganiyang tao ay naligaw at nagkakasala, na kaniyang hinatulan ang kaniyang sarili.
[12] Kapag maisugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico, sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis sapagkat ako ay nagpasya na magpalipas ng taglamig doon.
[13] Sikapin mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa kautusan at si Apollos sa kanilang paglalakbay upang hindi sila magkulang ng anuman.
[14] At hayaang matutunan din ng mga kapatid na kanilang pangibabawin ang mabubuting gawa para matulungan kaagad ang mga nangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
[15] Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo yaong mga nagmamahal sa atin dahil sa pananampalataya. Sumainyong lahat ang biyaya. Siya nawa.