Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngunit magsalita ka ng mga bagay na karapat-dapat sa mabuting katuruan.

[2] Ang matatandang lalaki ay maging maingat sa pag-iisip, marangal, maayos ang pag-iisip, maayos sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis.

[3] Gayundin ang matatandang babae, na sila ay may pag-uugali na marapat sa kabanalan, mga hindi mapanirang-puri, mga hindi nagpapaalipin sa maraming alak, mga guro ng mabubuting bagay,

[4] upang kanilang maturuan ang mga nakababatang babae ng maayos na pag-iisip, ng pagmamahal sa kani-kanilang asawa, ng pagmamahal sa kanilang mga anak,

[5] na maging maayos ang pag-iisip, dalisay, tagapangalaga ng tahanan, mabuti ang pag-uugali, nagpapasakop sa kani-kanilang asawa upang ang salita ng Diyos ay huwag malapastangan.

[6] Gayundin ang mga nakababatang lalaki, sila ay hikayatin mo na maging maayos ang pag-iisip.

[7] Patungkol sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na huwaran ng mabubuting gawa, sa pagtuturo ay ipakita mo ang kadalisayan, ang karangalan, ang katapatan,

[8] at ang mabuting pananalita na hindi mahahatulan upang yaong sumasalungat ay mapahiya, nang sa gayon ay walang masasabing masama patungkol sa iyo.

[9] Pagtagubilinan mo ang mga alipin na magpasakop sa sarili nilang mga amo at maging kalugod-lugod sa lahat ng mga bagay at huwag maging palasagot,

[10] hindi mapanglustay kundi palaging nagpapakita ng mabuting katapatan upang kanilang mapalamutian sa lahat ng mga bagay ang katuruan ng ating Diyos na Tagapagligtas.

[11] Dahil ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag sa lahat ng mga tao,

[12] na tinuturuan tayo upang tanggihan ang hindi pagiging makadiyos at ang makasanlibutang mga pagnanasa, upang tayo ay makapamuhay na may maayos na pag-iisip at matuwid at makadiyos sa kasalukuyang panahon,

[13] na naghihintay sa pinagpalang pag-asa at maluwalhating pagpapakita ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo,

[14] na siyang nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin upang tayo ay matubos niya mula sa lahat ng hindi pagkilala sa kautusan at upang dalisayin para sa kaniyang sarili ang bayan na tanging kaniyang pag-aari at masigasig sa mabubuting gawa.

[15] Ipangaral mo ang mga bagay na ito at maghimok ka at magsaway ka nang may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang ikaw ay hamakin ng sinuman.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Kay Tito — Chapters