Skip to content
Opens in a new window

[1] At ipinakita niya sa akin ang dalisay na ilog ng tubig ng buhay, na maningning katulad ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.

[2] Sa kalagitnaan ng lansangan ng lungsod at sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy ng buhay na nagbubunga ng labindalawang uri ng bunga at nagbibigay ng kaniyang bunga sa bawat buwan at ang mga dahon ng punongkahoy ay para sa kagalingan ng mga bansa.

[3] At doon ay hindi na magkakaroon pa ng sumpa, at ang trono ng Diyos at ng Kordero ay nasa lungsod, at ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya

[4] at makikita nila ang kaniyang mukha, at ang kaniyang pangalan ay nasa kanilang mga noo.

[5] At doon ay hindi na magkakaroon ng gabi at hindi na nila kinakailangan ng ilawan o ng liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagliliwanag sa kanila. At sila ay maghahari magpakailan pa man.

[6] At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga salitang ito ay matapat at totoo.” At ang Panginoong Diyos ng mga banal na propeta ang nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari kaagad.

[7] “Narito, ako ay darating kaagad. Pinagpala yaong tumutupad sa mga salita ng pahayag ng aklat na ito.”

[8] At akong si Juan ang siyang nakakita at siyang nakarinig ng mga bagay na ito, at nang aking narinig at nakita, ako ay nagpatirapa upang sumamba sa harapan ng paanan ng anghel na siyang nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

[9] Ngunit sinabi niya sa akin, “Ingatan mo na huwag mong gawin ito sapagkat ako ay iyong kapwa alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta at niyaong mga tumutupad ng mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”

[10] Sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong selyuhan ang mga salita ng pahayag sa aklat na ito sapagkat ang panahon ay malapit na.

[11] Siya na hindi matuwid ay hayaan pa siyang maging hindi matuwid at siya na marumi ay hayaan pa siyang maging marumi. Siya na matuwid ay hayaan pa siyang maging matuwid, at siya na banal ay hayaan pa siyang maging banal.”

[12] “At narito, ako ay darating kaagad at ang aking gantimpala ay nasa akin upang ipagkaloob sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa.

[13] Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.”

[14] Pinagpala yaong mga tumutupad sa kaniyang mga utos dahil sila ay magkakaroon ng karapatan sa punongkahoy ng buhay at makakapasok sa mga tarangkahang patungo sa lungsod.

[15] Ngunit sa labas ay ang mga aso at ang mga manggagaway at ang mga mapakiapid at ang mga mamamatay-tao at ang mga sumasamba sa mga diyos-diyosan at ang bawat isang nagkakagusto at gumagawa ng kasinungalingan.

[16] “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel sa mga iglesiya upang patotohanan sa inyo ang mga bagay na ito. Ako ang ugat at ang anak ni David, at ang maningning na tala sa umaga.”

[17] At ang Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika!” At siya na nakarinig ay hayaang magsabi, “Halika!” At siya na nauuhaw ay hayaang lumapit at siya na nagnanais ay hayaang kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

[18] Dahil ako ay nagpapatotoo sa bawat isa na nakikinig sa mga salita ng paghahayag ng aklat na ito: Kapag ang sinuman ay magdagdag patungkol sa mga bagay na ito, idadagdag ng Diyos sa kaniya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito.

[19] At kapag ang sinuman ay mag-alis mula sa mga salita ng aklat ng pahayag na ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi mula sa aklat ng buhay at mula sa banal na lungsod at mula sa mga nakasulat sa aklat na ito.

[20] Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako ay darating kaagad.” Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.

[21] Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Siya nawa!

Ang Pahayag Kay Juan — Chapters