[1] At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. May pitong anghel na tinataglay ang pitong huling salot sapagkat sa pamamagitan ng mga ito ay magaganap ang poot ng Diyos.
[2] At nakita ko ang isang katulad ng dagat na kristal na may halong apoy at sila na nagtatagumpay sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan at sa kaniyang tatak at sa bilang ng kaniyang pangalan ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal na tinataglay ang mga alpa ng Diyos.
[3] At kanilang inaawit ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero, na sinasabi, “Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw ang Hari ng mga banal, ang iyong mga landas ay matuwid at totoo.
[4] O Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo at hindi magbibigay ng kaluwalhatian sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang banal, at ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan mo sapagkat ang iyong kahatulan ay nahayag.”
[5] At pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at narito, ang banal na dako, na siyang tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan.
[6] At lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na tinataglay ang pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino at may nakabigkis na mga gintong pamigkis sa mga dibdib.
[7] At ang isa sa mga apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na punung-puno ng poot ng Diyos na siyang nabubuhay magpakailan pa man.
[8] At ang banal na dako ay napuno ng usok na nagmula sa kaluwalhatian ng Diyos at nagmula sa kaniyang kapangyarihan, at walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong mga anghel.