Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngayon, ito ang pinakamahalaga sa mga bagay na sinasabi: Tayo ay mayroong gayong pinakapunong saserdote na nakaupo sa bahaging kanan ng trono ng Kataastasang Kamahalan sa kalangitan,

[2] isang tagapaglingkod sa banal na dako at tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon at hindi ng tao.

[3] Sapagkat ang bawat pinakapunong saserdote ay itinatalaga upang maghandog ng mga kaloob at mga hain kaya kinakailangan na ang pinakapunong saserdoteng ito ay magkaroon din ng maihandog.

[4] Dahil kung siya nga ay naririto sa lupa, kailanman ay hindi siya magiging saserdote sapagkat may mga saserderdoteng naghahandog ng mga kaloob ayon sa kautusan,

[5] na mga naglilingkod sa halimbawa at anino ng makalangit na mga bagay kung paanong si Moises ay pinagtagubilinan ng Diyos nang malapit na ang pagtayo ng tabernakulo. Sapagkat sinabi niya, “Tiyakin mo na iyong gawin ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Exo 25:40

[6] Ngunit ngayon si Jesus ay nagtamo ng lalong dakilang paglilingkod, yamang siya rin ang tagapamagitan ng lalong mabuting tipan na naitatag sa lalong mabuting mga pangako.

[7] Sapagkat kung ang unang tipan na iyon ay walang kapintasan, hindi na sana naghanap pa ng lugar para sa ikalawa.

[8] Dahil nakita ng Diyos ang pagkakamali sa kanila, sinabi niya, “Narito, ang mga araw ay dumarating, sinasabi ng Panginoon, at aking itatatag ang bagong tipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda,

[9] na hindi katulad ng tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno nang araw na sila ay aking inakay sa kamay upang ilabas sa lupain ng Egipto sapagkat hindi sila nanatili sa aking tipan, kaya pinabayaan ko sila, sinasabi ng Panginoon.

[10] Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ni Israel pagkaraan ng mga araw na iyon, sinasabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga isip at isusulat ko ang mga ito sa kanilang mga puso, at ako ay magiging Diyos para sa kanila at sila ay magiging bayan para sa akin.

[11] At hinding-hindi sila magtuturo sa kani-kaniyang kapwa at sa kani-kaniyang kapatid, na sinasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon,’ dahil ako ay makikilala ng lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila sa kanila,

[12] sapagkat ako ay magiging mahabagin sa kanilang mga kalikuan, at ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ay hindi ko na alalahanin pa kailanman.” Jer 31:31-34

[13] Nang sinabi niya, “Isang bagong tipan,” ang una ay ginawa na niyang luma, at yaong naluluma at tumatanda ay malapit na ang paglaho.

Ang Sulat Sa Mga Hebreo — Chapters