[1] Kaya yamang may iniiwanang pangako sa atin upang makapasok sa kaniyang kapahingahan, dapat tayong matakot baka ang sinuman sa inyo ay mag-isip na hindi makaabot.
[2] Sapagkat ang ebanghelyong ipinangaral na rin sa atin ay iyon din ang ipinangaral sa kanila, ngunit ang salitang ipinangaral ay hindi nila pinakinabangan sapagkat ang mga nakarinig ay hindi ito sinamahan ng pananampalataya.
[3] Dahil tayo na mga sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahan, ayon sa kaniyang sinabi, “Kagaya ng aking isinumpa sa aking pagkapoot, ‘Sila ay hindi papasok sa aking kapahingahan,’ ” Awi 95:11 bagaman ang mga gawa mula sa pagkatatag ng sanlibutan ay natapos na,
[4] sapagkat sa isang dako ay nagsalita siya ng ganito patungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, ang Diyos ay nagpahinga sa lahat ng kaniyang mga gawa.” Gen 2:2
[5] At muli, sa dakong ito, “Sila ay hindi papasok sa aking kapahingahan.” Awi 95:11
[6] Kaya yamang nananatili para sa iba upang makapasok doon, at sila na naunang nakarinig ng ebanghelyo ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
[7] muli, siya ay nagtakda ng isang araw, na sinabi sa pamamagitan ni David, “Ngayon,” pagkatapos ng matagal na panahon ayon sa naipahayag na noong una, “Ngayon, kapag marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso.” Awi 95:7-8
[8] Sapagkat kung si Josue ay nagbigay sa kanila ng kapahingahan, siya ay hindi na sana nagsalita ng iba pang araw, pagkatapos ng mga ito.
[9] Kaya mayroon pang nanatiling isang kapahingahan para sa bayan ng Diyos
[10] sapagkat siya na pumasok sa kaniyang kapahingahan, siya rin ay nagpahinga sa kaniyang mga gawa kung paanong ang Diyos ay nagpahinga mula sa kaniyang mga gawa.
[11] Kaya tayo ay magsikap upang makapasok sa kapahingahang iyon upang walang sinumang tao ang mahulog sa ganoon ding halimbawa ng hindi pagsampalataya
[12] sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at makapangyarihan at higit na matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos hanggang sa pagkahiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasukasuan at ng utak ng buto at nakakatalos ng mga pag-iisip at ng mga hangarin ng puso.
[13] At walang nilikha ang hindi hayag sa kaniyang paningin, ngunit ang lahat ng mga bagay ay hubad at walang takip sa paningin niya na sa kaniya ay magbibigay-sulit tayo.
[14] Kaya dahil tayo ay mayroong isang dakilang pinakapunong saserdote, si Jesus na Anak ng Diyos na siyang umakyat sa kalangitan, ating mapanghawakang matibay ang ating paghahayag
[15] sapagkat wala tayong pinakapunong saserdote na walang kakayahang makiramay sa ating mga kahinaan. Ngunit siya ay sinubok sa lahat ng kaparaanan katulad natin, subalit siya ay walang kasalanan.
[16] Kaya tayo ay makakalapit na may lakas ng loob sa trono ng biyaya upang tayo ay makatanggap ng habag at makasumpong ng biyayang tulong para sa panahon ng pangangailangan.