Skip to content
Opens in a new window

[1] Tumindig nga kayong matatag sa kalayaan kung saan tayo ay pinalaya ni Cristo, at huwag kayong muling magpabitag sa pamatok ng pagkaalipin.

[2] Narito, akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kapag kayo ay magpailalim sa pagtutuli, wala kayong anumang pakikinabangan kay Cristo.

[3] At muli kong pinapatotohanan sa bawat taong nasa pagpapatuli, na siya ay may pananagutan na tuparin ang buong kautusan.

[4] Si Cristo ay naging walang kabuluhan sa inyo, sinuman sa inyo na pinapawalang-sala sa pamamagitan ng kautusan. Kayo ay nahulog mula sa biyaya

[5] sapagkat tayo ay naghihintay na may pananabik sa pag-asa ng katuwiran ayon sa pananampalataya sa pamamagitan ng Espiritu,

[6] dahil kay Cristo Jesus ang pagiging nasa pagtutuli at ang nasa di-pagtutuli ay walang anumang magagawa kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

[7] Kayo ay tumatakbo nang mahusay. Sino ang humadlang sa inyo upang hindi sumunod sa katotohanan?

[8] Ang panghihikayat na ito ay hindi nagmula sa kaniya na tumatawag sa inyo.

[9] Ang kaunting pampaalsa ang nagpapaalsa ng buong masa ng harina.

[10] Ako ay may tiwala sa inyo dahil sa Panginoon, na kayo ay hindi mag-iisip ng iba pa. Subalit siya na gumagambala sa inyo ay tatanggap ng kaniyang kahatulan, kahit sinuman siya.

[11] Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinapangaral ko pa ang pagiging nasa pagtutuli, bakit pa nila ako pinagmamalupitan? Kung gayon ay napawalang-bisa na ang katitisuran sa krus.

[12] Ang hangad ko sa kanila na nanggugulo sa inyo ay kakapunin nila ang kanilang sarili.

[13] Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan. Huwag lamang ninyong gamitin ang inyong kalayaan para sa pagkakataon sa laman, sa halip ay maglingkod kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig,

[14] dahil ang buong Kasulatan ay natutupad sa isang salita na ito, “Iibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.” Lev 19:18

[15] Ngunit kung kayo ay nagkakagatan at nagsasakmalan sa isa't isa, mag-ingat kayo na hindi ninyo maubos ang isa't isa.

[16] Ngunit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu upang hindi ninyo maisagawa ang pagnanasa ng laman,

[17] sapagkat ang laman ay masidhing nagnanasa laban sa Espiritu at ang Espiritu ay nagnanasa laban sa laman, ngunit ang mga ito ay sumasalungat sa isa't isa upang hindi ninyo gawin ang mga bagay na ninanais ninyo.

[18] Subalit kung kayo ay pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.

[19] Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman. Ang mga ito ay ang pangangalunya, pakikiapid, karumihan, kahalayan,

[20] pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam, mga pag-aalitan, mga paglalaban-laban, mga panibugho, mga labis na pagkagalit, mga pakikipagtunggali, mga pagkabaha-bahagi, mga maling katuruan,

[21] mga pagkainggit, mga pagpatay, mga paglalasing, mga magulong pagtitipon at mga bagay na katulad ng mga ito. Ito ay aking ipinapaunang-sabi sa inyo katulad din ng sinabi ko sa inyo noong una, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos.

[22] Ngunit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,

[23] kaamuan at pagpipigil sa sarili. Ang kautusan ay hindi laban sa mga bagay na ito.

[24] Ngunit sila na mga na kay Cristo ay ipinako na sa krus ang laman kasama ang mga masasamang pita at mga pagnanasa nito.

[25] Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin ay lalakad na may kaayusan sa Espiritu.

[26] Huwag tayong maghangad na maging mayabang, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Galacia — Chapters