Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngayon ay aking sinasabi na habang ang tagapagmana ay bata pa, siya ay hindi nakahihigit sa isang alipin bagaman siya ay panginoon ng lahat.

[2] Subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapag-alaga at mga tagapangasiwa hanggang sa panahong unang itinakda ng ama.

[3] Gayundin naman tayo, nang tayo ay mga bata pa, tayo ay ipinaalipin sa ilalim ng mga pangsaligang-katuruan ng sanlibutan.

[4] Ngunit nang dumating ang kaganapan ng panahon, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak na ipinanganak ng isang babae at ipinanganak sa ilalim ng kautusan

[5] upang matubos yaong mga nasa ilalim ng kautusan, nang sa gayon ay matanggap natin ang pagkaampon.

[6] At yamang kayo ay mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa inyong mga puso na tumatawag, “Abba, Ama.”

[7] Dahil dito, ikaw ay hindi na isang alipin, kundi isang anak, at kung ikaw ay isang anak, ikaw rin ay tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

[8] Ngunit totoo nga na nang panahong hindi ninyo kilala ang Diyos, kayo ay mga nagpaalipin sa kanila na likas na hindi mga diyos.

[9] Subalit ngayon, pagkatapos ninyong nakilala ang Diyos o kaya nakilala kayo ng Diyos, paanong kayo ay muling bumabalik sa mahihina at mga kapos na pangsaligang-katuruan kung saan ay ninanais ninyong muling magpaalipin?

[10] Ginaganap ninyo ang mga araw at mga buwan at mga panahon at mga taon.

[11] Ako ay nangangamba dahil sa inyo na baka sa anumang paraan ay mawalan ng kabuluhan ang aking mga pagpapagal para sa inyo.

[12] Mga kapatid, ako ay sumasamo sa inyo, tularan ninyo ako dahil ako ay katulad din ninyo at ako ay hindi ninyo minasama sa anuman.

[13] At alam na ninyo na sa pamamagitan ng kahinaan ng katawan ay inuna kong ipinangaral ang ebanghelyo sa inyo.

[14] At ang aking pagsubok na nasa aking katawan ay hindi ninyo hinamak o kinasuklaman, sa halip, ako ay tinanggap ninyo katulad sa isang anghel ng Diyos at katulad kay Cristo Jesus.

[15] Kung gayon, nasaan ang inyong pagiging pinagpala? Sapagkat aking pinatototohanan sa inyo na kung maaari lang ay dukutin ninyo ang inyong mga mata at ibigay sana sa akin.

[16] Kaya ba ako ay naging kaaway ninyo dahil sa aking pagsasabi ng katotohanan sa inyo?

[17] Ang kanilang pagsusumigasig para sa inyo ay hindi mabuti, kaya ninanais nila na ilayo kayo upang kayo ay magsumigasig para sa kanila.

[18] Ngunit mabuti ang pagiging masigasig sa mabuting bagay sa lahat ng panahon at hindi lamang kapag ako ay kasama ninyo.

[19] Aking munting mga anak, para sa inyo ay muli akong nahihirapan kagaya ng sa panganganak hanggang sa si Cristo ay mahubog sa inyo,

[20] ngunit ninanais ko na kayo ay aking makasama ngayon at upang baguhin ang aking tinig dahil naguguluhan ako sa inyo.

[21] Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais na mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?

[22] Sapagkat ito ang nasusulat, si Abraham ay may dalawang anak na lalaki, ang isa ay anak sa aliping babae at ang isa ay anak sa malayang babae.

[23] Subalit ang anak nga sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa laman, ngunit ang anak sa malayang babae ay ipinanganak sa pamamagitan ng pangako.

[24] Ang mga ito ay mga paghahambing sapagkat ang mga ito ay kumakatawan sa dalawang tipan. Ang isa nga ay si Hagar na nagmula sa bundok ng Sinai, na manganganak patungo sa pagkaalipin

[25] sapagkat si Hagar ay kumakatawan sa bundok ng Sinai na nasa Arabia at siya ang tumutugon sa Jerusalem sa kasalukuyan at siya ay nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak.

[26] Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, na siyang ina nating lahat,

[27] sapagkat ito ang nasusulat, “Magalak ka, ikaw na babaing baog, ikaw na hindi nanganganak, dagli kang magalak at sumigaw ka, ikaw na hindi nahihirapan kagaya ng sa panganganak sapagkat higit na marami ang anak ng babaing pinabayaan kaysa sa babaing may asawa.” Isa 54:1

[28] Ngunit mga kapatid, tayo ay mga anak sa pangako katulad ni Isaac.

[29] Subalit kung paanong sa panahong iyon ay pinagmamalupitan ng anak na ipinanganak ayon sa laman yaong ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin sa ngayon.

[30] Gayunpaman, ano ang sinasabi ng Kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak sapagkat ang anak ng aliping babae ay hindi magmamana kailanman na kasama ang anak ng malayang babae.” Gen 21:10

[31] Kaya nga, mga kapatid, tayo ay hindi mga anak ng aliping babae kundi mga anak ng malayang babae.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Galacia — Chapters