[1] Kaya kayo ay maging tagatulad ng Diyos bilang mga minamahal na mga anak.
[2] Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ipinagkaloob ang kaniyang sarili alang-alang sa atin bilang handog at hain sa Diyos na mabangong samyo.
[3] Subalit marapat sa mga banal na ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, ang kasakiman ay huwag man lang mabanggit sa inyo,
[4] kahit ang mahalay, walang kabuluhan o malaswang pananalita ay hindi nararapat sa inyo, sa halip ay ang pasasalamat.
[5] Dahil ito ay nalalaman ninyo, na walang mapakiapid, maruming tao o sakim, na sumasamba sa mga diyos-diyosan ang nagtataglay ng mana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.
[6] Kaya huwag ninyong hayaang dayain kayo ng sinuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng masuwayin.
[7] Huwag nga kayong maging kabahagi nila.
[8] Dati kayo ay mga nasa kadiliman ngunit ngayon ay nasa liwanag sa Panginoon. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag
[9] (sapagkat ang bunga ng Espiritu ay sa lahat ng kabutihan at katuwiran at katotohanan),
[10] na inyong pinapatunayan kung ano ang lubos na nakakalugod sa Panginoon.
[11] At huwag kayong makipag-isa sa mga hindi mabungahing gawa ng kadiliman, sa halip ay sawayin nga ninyo ang mga ito
[12] sapagkat nakakahiyang banggitin ang mga bagay na kanilang ginagawa sa lihim.
[13] Ngunit ang lahat ng mga bagay na nalalantad ay nahahayag sa pamamagitan ng liwanag sapagkat ang ilaw ang naghahayag ng lahat.
[14] Dahil dito, sinabi niya, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
[15] Tingnan nga ninyong mabuti kung paano kayo lumakad na may buong pag-iingat, hindi katulad ng mga hangal kundi katulad ng mga pantas.
[16] Samantalahin ninyo ang panahon dahil ang mga araw ay masama.
[17] Dahil dito, huwag kayong maging mga mangmang, subalit unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
[18] At huwag kayong malasing sa alak na kinaroroonan ng kawalan ng pagpipigil sa sarili, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu,
[19] at mag-usap kayo sa isa't isa sa mga awit, mga himno at mga espirituwal na awitin. Umawit at magpuri kayo sa Panginoon sa inyong puso,
[20] at sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayong palagi sa Diyos at Ama sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
[21] na nagpapasakop sa isa't isa sa pagkatakot sa Diyos.
[22] Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa kagaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon,
[23] sapagkat ang asawang lalaki ay ang ulo ng asawang babae, katulad ni Cristo na ulo ng iglesiya at siya ang Tagapagligtas ng katawan.
[24] Subalit kung paanong ang iglesiya ay nagpapasakop kay Cristo, gayundin, ang mga asawang babae ay magpasakop sa ganitong paraan sa kanilang sariling asawa sa lahat ng mga bagay.
[25] Mga asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya at ipinagkaloob ang kaniyang sarili alang-alang dito,
[26] upang kaniyang mapaging-banal ito at nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita.
[27] At upang maiharap niya ang iglesiya sa kaniyang sarili na isang marilag na iglesiya, walang batik, kulubot, o anumang mga gayong bagay kundi maging banal at walang kapintasan.
[28] Sa gayong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa katulad ng kanilang sariling katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawa ay umiibig sa kaniyang sarili
[29] sapagkat wala pang sinuman ang namuhi sa kaniyang sariling katawan kundi inaalagaan at minamahal niya ito katulad ng ginagawa ng Panginoon sa iglesiya
[30] dahil tayo ay bahagi ng kaniyang katawan, mula sa kaniyang laman at mula sa kaniyang mga buto.
[31] “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at makikipag-isa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.” Gen 2:24
[32] Ito ay dakilang hiwaga, ngunit nagsasalita ako patungkol kay Cristo at sa iglesiya.
[33] Gayunpaman, ibigin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae katulad sa kaniyang sarili upang maigalang ng asawang babae ang kaniyang asawa.