Skip to content
Opens in a new window

[1] At kayo ay kaniyang binuhay, na dating mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

[2] na sa mga ito ay dati kayong namuhay ayon sa takbuhin ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapamahalaan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

[3] Sila na kasama nating namuhay noon ayon sa mga masamang-nasa ng ating laman, na gumagawa ng mga pagnanais ng laman at ng mga kaisipan, ay likas na mga anak ng labis na poot katulad ng iba.

[4] Ngunit ang Diyos, na sagana sa kahabagan sa pamamagitan ng kaniyang dakilang pag-ibig kung saan tayo ay inibig niya

[5] kahit noong tayo ay mga patay pa sa ating mga pagsalangsang, ang bumuhay sa atin kasama ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo ay naligtas).

[6] At tayo ay kasamang ibinangon at kasamang pinaupo sa kalangitan kay Cristo Jesus,

[7] upang maipakita niya sa mga darating na mga kapanahunan ang sumasaganang yaman ng kaniyang biyaya sa kaniyang kabutihan sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

[8] Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito ay hindi mula sa inyong mga sarili, ito ay kaloob ng Diyos,

[9] hindi dahil sa mga gawa, upang hindi magmalaki ang sinuman.

[10] Dahil tayo ay kaniyang mga likha na nilikha ng Diyos kay Cristo Jesus para sa mga mabuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una upang mamuhay tayo sa mga ito.

[11] Kaya nga, alalahanin ninyo na dati kayo ay mga Gentil na nasa laman, na mga tinatawag na nasa di-pagtutuli ng mga tinatawag na nasa pagtutuli sa laman na gawa ng kamay.

[12] Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga naihiwalay mula sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, na walang tinataglay na pag-asa at mga walang Diyos sa sanlibutan.

[13] Ngunit ngayon, dahil kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

[14] Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinag-isa ang dalawa at giniba ang gitnang pader na humahati.

[15] Sa pamamagitan ng kaniyang katawan ay pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos upang magawa niya na ang dalawa ay maging isang bagong tao sa kaniyang sarili, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan,

[16] at upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa Diyos sa isang katawan sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan nito ay pinatay niya ang pag-aalitan.

[17] Siya ay dumating at inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit

[18] sapagkat sa pamamagitan niya, tayo ay kapwa mayroong paglapit patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.

[19] Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at kabilang sa sambahayan ng Diyos.

[20] At kayo ay itinayo sa ibabaw ng saligan ng mga apostol at ng mga propeta, at si Jesu-Cristo mismo ang siyang pangunahing batong-panulok,

[21] na sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago upang maging isang banal na dako ng templo sa Panginoon.

[22] Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Efeso — Chapters