Skip to content
Opens in a new window

[1] Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman.

[2] Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi.

[3] Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan.

[4] Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw:

[5] Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man;

[6] Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil.

[7] Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi.

[8] Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan.

[9] Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo,

[10] Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya.

[11] Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa.

[12] Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo;

[13] At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan.

[14] At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat.

[15] Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat.

[16] Mangagalak kayong lagi;

[17] Magsipanalangin kayong walang patid;

[18] Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo.

[19] Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu;

[20] Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula;

[21] Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti;

[22] Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama.

[23] At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.

[24] Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.

[25] Mga kapatid, idalangin ninyo kami.

[26] Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.

[27] Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.

[28] Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.

1 Tesalonica — Chapters