Skip to content
Opens in a new window
Listen to this chapter • 3:37

[1] Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya.

[2] Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong] sambahayan ng Diyos.

[3] Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises.

[4] Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay.

[5] Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon.

[6] Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

[7] Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,

[8] huwag patigasin ang inyong mga puso, tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.

[9] Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang, bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.

[10] Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko, ‘Lagi silang lumalayo sa akin, ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’

[11] At sa galit ko, ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”

[12] Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy.

[13] Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso.

[14] Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

[15] Ito nga ang sinasabi sa kasulatan, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

[16] Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto?

[17] At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang?

[18] At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod?

[19] Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Hebreo — Chapters