[1] Halikayo ngayon, kayong mayayaman, kayo ay tumangis at humagulhol dahil ang inyong mga paghihirap ay dumarating sa inyo.
[2] Ang inyong mga kayamanan ay bulok na at ang inyong mga damit ay kinain na ng tanga.
[3] Ang inyong mga ginto at pilak ay kinalawang na at ang kalawang nito ay magiging patotoo laban sa inyo at siyang kakain sa inyong mga laman katulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng kayamanan para sa mga huling araw.
[4] Narito, umiiyak ang sahod na inyong ipinagkait na may pandaraya sa mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukirin, at ang iyak ng mga gumapas ay nakarating sa mga pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.
[5] Kayo ay namuhay sa lupang ito sa karangyaan at pagpapasasa, at binusog ninyo ang inyong mga puso katulad ng sa araw ng pagkatay.
[6] Hinatulan ninyo at pinatay ninyo ang taong matuwid at hindi siya tumututol sa inyo.
[7] Kaya mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Narito, ang magsasaka ay naghihintay para sa mahalagang bunga ng lupa at pinagtitiyagaan niya ito hanggang sa matanggap niya ang una at ang huling ulan.
[8] Magtiyaga rin kayo at patatagin ninyo ang inyong mga puso sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon.
[9] Mga kapatid, huwag kayong umangal sa isa't isa upang hindi kayo mahatulan. Narito, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.
[10] Mga kapatid ko, gawin ninyong halimbawa ang paghihirap at ang pagtitiyaga ng mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon.
[11] Narito, itinuturing nating pinagpala yaong mga nagtitiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nakita ninyo ang katapusang ginawa ng Panginoon dahil ang Panginoon ay lubhang mahabagin at maawain.
[12] Ngunit higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag kayong manumpa sa pamamagitan ng langit, o sa pamamagitan ng lupa, o ng iba pang panunumpa. Subalit gawin ninyo ang inyong “Oo” ay “Oo” at ang “Hindi” ay “Hindi” upang hindi kayo mahulog sa kahatulan.
[13] Mayroon bang nahihirapan sa inyo? Hayaan siyang manalangin. Mayroon bang nagsasaya sa inyo? Hayaan siyang umawit ng papuri.
[14] Mayroon bang maysakit sa inyo? Hayaang ipatawag niya ang matatanda sa iglesiya at hayaang sila ay manalangin para sa kaniya at siya ay pahiran ng langis ng olibo sa pangalan ng Panginoon.
[15] Ang panalanging may pananampalataya ang magpagagaling sa maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon, at kung siya ay nakagawa ng mga kasalanan, ito ay ipapatawad sa kaniya.
[16] Ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga pagsalangsang at manalangin kayo para sa isa't isa upang kayo ay gumaling. Ang mataimtim na panalangin ng taong matuwid ay maraming magagawa.
[17] Si Elias ay taong may damdaming katulad natin at siya ay taimtim na nanalangin na huwag umulan at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.
[18] At siya ay muling nanalangin at ang langit ay nagbigay ng ulan at ang lupa ay nagbigay ng bunga nito.
[19] Mga kapatid, kung ang sinuman sa inyo ay malihis sa katotohanan at siya ay mapanumbalik ng sinuman,
[20] dapat niyang malaman na yaong nagpanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw ng kaniyang landas ay magliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.